There were 100 press releases posted in the last 24 hours and 399,635 in the last 365 days.

Koko sa DTI: Tiyaking walang mananamantala sa presyo ng Noche Buena products

PHILIPPINES, December 21 - Press Release
December 21, 2024

KOKO SA DTI: TIYAKING WALANG MANANAMANTALA SA PRESYO NG NOCHE BUENA PRODUCTS

Nanawagan si Senate Minority Leader Aquilino "Koko" Pimentel III sa Department of Trade and Industry (DTI) na tiyaking walang mang-aabuso sa panahon ng Pasko, lalo na sa pagtataas ng presyo ng mga paninda para sa Noche Buena.

Ayon kay Pimentel, hindi dapat pagsamantalahan ng mga negosyante ang pagdiriwang ng Pasko para magtaas ng presyo sa mga produkto gaya ng keso, macaroni, spaghetti sauce, fruit cocktail, all-purpose cream, hamon, at iba pang pang-Noche Buena.

"Ang Pasko ay panahon ng pagmamahal at pagbabahagi. Dapat matiyak natin na hindi ito magiging panahon ng pang-aabuso at pagsasamantala," ani Pimentel.

Aniya, "Mahalaga na mapanatili ang patas na presyo ng mga pangunahing bilihin para sa lahat ng Pilipino, lalo na ang mga mahihirap."

Ayon kay Pimentel, dapat mahigpit ang monitoring na ginagawa ng DTI para aksyunan ang mga kumpanyang sangkot sa price manipulation.

"Ang DTI ay dapat magsagawa ng mas mahigpit na pagbabantay sa mga presyo ng mga paninda, lalo na sa panahon ng Pasko," giit ni Pimentel.

"Kailangan nating tiyakin na walang mang-aabusong negosyante at ang bawat Pilipino ay makakapagdiwang ng Pasko nang maayos at payapa," dagdag pa n'ya.

Aniya, hindi dapat makalusot ang mga tindahang nagtatago ng stocks o naniningil ng sobra para lamang kumita nang higit sa panahon ng Kapaskuhan.

Pinaalalahanan din ni Pimentel ang mga tindero na sundin ang suggested retail price na itinakda ng Department of Trade and Industry at mga batas sa proteksyon ng consumer.

Sa kabila nito hinikayat ni Pimentel ang publiko na huwag mag-atubiling isumbong sa otoridad ang mga kumpanya o negosyanteng nagtataas ng presyo ng Noche Buena products.

"Maging alerto at iulat sa DTI ang anumang pang-aabuso sa presyo," aniya. "Tayo ay may karapatan sa isang patas at makatarungang presyo ng mga pangunahing bilihin," ani Pimentel.

Legal Disclaimer:

EIN Presswire provides this news content "as is" without warranty of any kind. We do not accept any responsibility or liability for the accuracy, content, images, videos, licenses, completeness, legality, or reliability of the information contained in this article. If you have any complaints or copyright issues related to this article, kindly contact the author above.