There were 1,605 press releases posted in the last 24 hours and 398,603 in the last 365 days.

Tolentino: pagpirma sa dalawang batas na nagtatakda ng maritime zones at archipelagic sea lanes ng Pilipinas, tagumpay ng bawat Pilipino, alay natin sa mga kabataan

PHILIPPINES, November 9 - Press Release
November 8, 2024

Tolentino: pagpirma sa dalawang batas na nagtatakda ng maritime zones at archipelagic sea lanes ng Pilipinas, tagumpay ng bawat Pilipino, alay natin sa mga kabataan

Ikinalugod ni Senate Majority Leader Francis 'Tol' Tolentino ang pagpirma sa dalawang mahalagang batas na nagpapatibay sa integridad ng teritoryo ng Pilipinas, gayundin sa mga obligasyon at karapatan ng bansa sa lahat ng nasasakupang maritime zones nito, kabilang ang West Philippine Sea (WPS).

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. ngayong umaga ang Philippine Maritime Zones Act (Republic Act 12064) at Archipelagic Sea Lanes Act (RA 12065), na kapwa iniakda at inisponsor ni Tolentino.

"Ang mga batas na ito ay mga pasulong na hakbang, at maituturing na tagumpay ng bawat Pilipino," ani Tolentino, pinuno ng Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones.

"Ito ay para sa bawat mamamayang tumitindig para sa kalayaan, kung saan ang bawat pulgada ng teritoryo ng bansa ay 'di isinusuko sa sinumang dayuhan. Ito rin ay para sa kinabukasan ng ating mga kabataan, kung saan ang lahat ng rekurso at yaman sa ating nasasakupang karagatan ay nililinang para pakinabangan ng sambayanan," dagdag nya.

Tinutukoy ng Maritime Zones Act (RA 12064) ang lawak at hangganan ng maritime domains ng bansa upang kilalanin ng international community.

"Ang 'West Philippine Sea' ay hindi na lang basta isang kataga. Sa unang pagkakataon, ito ay pormal na pakakahulugan at itatakda sa isang batas ng Pilipinas. Maituturing natin ang RA 12064 bilang 'birth certificate' ng WPS," paliwanag ni Tolentino.

Samantala, itinatakda ng Philippine Archipelagic Sea Lanes Act ang tatlong sea lanes sa loob ng archipelagic waters ng bansa, gayundin ang air routes sa ibabaw nito. Ang tatlong ASLs na ito ay ang Celebes Sea, Sibutu Sea, at Balintang Channel.

"Sa naturang ASLs pahihintulutang dumaan ang mga banyagang sasakyang pandagat at panghimpapawid," ayon kay Tolentino. Aniya, sa pamamagitan nito ay maiwasan ang iligal na pagpasok ng mga dayuhang barko o eroplano sa sea lanes o air space ng bansa.

Ayon pa sa senador, ang magkatambal na batas ay magsisilbing implementasyon ng makasaysayang 2016 Hague Arbitral Ruling na pumabor sa Pilipinas, sang-ayon sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Dagdag pa ni Tolentino, ang naturang mga batas ay pormal na isusumite sa United Nations (UN) para sa anotasyon nito, gayundin sa dalawang mahalagang pandaigdigang ahensya - ang International Maritime Organization (IMO), at International Civil Aviation Organization (ICAO).

"Pangunahin nating layunin sa pagpasa ng mga batas na ito na lalong mapalakas ang pagkilala ng international community sa patuloy na pakikipaglaban ng Pilipinas sa kanyang mga karapatan, gayundin sa opisyal na pagkilala sa 'West Philippine Sea' sa global maritime and aviation systems," pagtatapos nya.

Legal Disclaimer:

EIN Presswire provides this news content "as is" without warranty of any kind. We do not accept any responsibility or liability for the accuracy, content, images, videos, licenses, completeness, legality, or reliability of the information contained in this article. If you have any complaints or copyright issues related to this article, kindly contact the author above.