Parangal ni SRP kay dating Pangulong Fidel Valdez Ramos
August 1, 2022
Parangal ni SRP kay dating Pangulong Fidel Valdez Ramos
Agosto 1, 2022
Bismillah!
Ginoong Pangulo, aking mga kasama at sa lupon ng pagpupulong na ito,
Sa ganap na ika-8 ng umaga kanina, nasaksihan natin ang pagbaba ng ating pambansang watawat mula sa pinakamataas hanggang sa kalahati. Ito ay sumasagisag hindi lamang ng pakikiramay sa pagpanaw, nguni't lalo't higit ay pagpupugay at paggalang sa dating Pangulo ng Republika ng Pilipinas, ang Kagalang-galang na Fidel V. Ramos.
Mahal na Ginoong Pangulo, hindi po maitatanggi ang personal na kaugnayan ko sa dating Pangulo - mula pa lang sa pagiging kalihim ng Kagawaran ng Tanggulang Bansa ay pinuno ko na po ang ating heneral. Bahagi rin ako ng kanyang kandidatura at sa pagkapanalo sa pagka-Pangulo ng Republika. Bahagi rin si Ginoong Tabako, kung siya po ay aming tawagin, sa aking paglaya mula sa bilangguan. Siya po ang nagbigay sa akin ng conditional pardon, with parole conditions.
Mahal na Ginoong Pangulo, ako po ay tumindig sa pulpito na ito hindi lang para sariwain ang aming pinagsamahan kung hindi para maisulat sa lathaan ng Senado ng Republika ang malinaw na kabanata sa kasaysayan ng Inang Bayan na inukit ng dating Pangulong FVR.
Kailanman ay hindi po malilimutan ng inyong mga kapatid na Muslim ang 1996 Final Peace Agreement na kung tawagin ay Jakarta Accord - ang usaping kapayapaan na nagbigay katuparan sa mga pangarap ng Bangsamoro, kasagutan sa ilang daang taon ng pakikibaka. Dito ipinanganak ang Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Si Pangulong FVR ay maituturing kasama ang ating mahal na Ginoong Pangulo na ama ng kapayapaan sa Muslim Mindanao. Ito ay isang ganap, isang katotohanan, isang pamana para sa lahat na mga Pilipino, maging saan mang lupalop ng mundo.
Ngayon po, mahal na Ginoong Pangulo, bilang panghuling bahagi ng aking parangal kay Pangulong FVR, nais ko pong ipagpatuloy natin ang kanyang naumpisahan. Mula sa kanyang bibig ay nabuhay muli ang pagkilala sa Saligang Batas noong 1973 na nagsasaad ng parliamentary form ng gobyerno. Sinikap ng ating Pangulong FVR na tayo ay magkaroon ng rebisyon sa Saligang Batas, hindi sa ganang mapalawig ang kanyang termino kung hindi maisakatuparan ang pag-unlad na inaasam ng bawa't Pilipino.
Mahal na Ginoong Pangulo, hindi man nagtagumpay ang hakbang na ito ng dating Pangulo, naging matagumpay naman ito sa puso natin ang pagkabuhay ng mapayapang rebolusyonaryong pagbabago. Ika nga ni Tatay Fidel, the parliamentary system would enable the people to throw out an incumbent government if it is seen as incompetent or corrupt, in a peaceful democratic manner, with a no-confidence vote by the majority in Parliament - even before the incumbent finishes his term of office. Mahal na Pangulo, ito po marahil ang gamot natin sa sakit ng ating lipunan sa kapi-People Power.
Dito po nagtatapos ang aking parangal at pagkilala sa isa sa pinakamahusay na Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Ika nga po ni Heneral Douglas MacArthur, ang nakatatandang sundalo kailanman ay hindi namamatay. Sila ay maglalaho lang. Maraming salamat po.
Legal Disclaimer:
EIN Presswire provides this news content "as is" without warranty of any kind. We do not accept any responsibility or liability for the accuracy, content, images, videos, licenses, completeness, legality, or reliability of the information contained in this article. If you have any complaints or copyright issues related to this article, kindly contact the author above.